Isang Oras sa Hardin ng Donya Aurora

Sa tuwing ika-siyam ng umaga ng Sabado ay nakaupo lamang ako sa loob ng aking sasakyang L300.  Kung minsan ay nagbabasabasa ako ng mga balita o di kaya ay mga kuru-kuro sa paborito kong payahagang Philippine Daily Inquirer.  Kung minsan naman ay sinasagutan ko ang nakahiligang modern number puzzle na sudoku.  Masarap na pampalipas oras ito habang inaantay ko ang aking bunsong anak na si Patricia na nag-aaral ng piyano kay Propesor Augusto Espino.  Dito nakatira si Prop Agot, sa isa dito sa mga apartment sa Hardin ng Donya Aurora, sa loob ng UP Campus, Diliman.

Kaaalis pa lamang ni Patricia daladala ang kanyang mga libro sa piyano.  May Hanon, may Czerny, may Bach, at ilang piyesa nina Gershwin at Brahms.  Inihahanda ko pa lamang ang aking antipara at ballpen ng bjglang bumulaga sa aking harapan ang may mga labin-limang batang squatter na galing sa kanilang lungga sa tapat ng Donya Aurora.

Nagsisigawan sila.  Malalakas ang mga boses nila kahit halos gatingting ang kanilang mga pangangatawan.  Mistulang mga kulang sa pansin ang kanilang mga kilos.  May pa siga-siga, may pakantiyaw-kantiyaw.  Mga haring kalye kung baga.  Matutunog ang kanilang mga pananalita.

GAGO  ka!  Tingnan mo lang mamaya.  Ikokotong kita. Bigkas ito ng isang kakalbuhing naka-brown na sando.   Siya yata ang lider ng grupo ng lima.  Pumuwesto sila sa may hagdang simento.

Anung kokotongan?  Ikaw ang kokotongan ko.  TARANTADO  ka.  Kala mo kaya ay kaya mo kami.  Humanda ka!

Medyo natakot ako sa mga murahan at bantaan ng mga bata.  Isinantabi ko ang aking antipara, ballpen at sudoku.  Kailangang mapagmasdan ko ang labanan ng mga paslit.

PUTANG-INA mo.  Ang tapang mong magsalita.  Dinadaan mo sa dami.  E lilima lang kami o.  PUTANG-INA mo.!

Medyo nakakakilabot yata ang pagmumurahan ng mga bata.  Sana ay pagagalitan ko para di na magmura ulit.  Ngunit di pa man ako nakakababa sa sasakyan ay parang rapido ng umulang tinig ang sunud-sunod na palitan ng mura.

TARANTADO.   Isang kotong ako.

Ako rin, isang kotong sa yo GAGO.

Ah PUTANG-INA, ako wala.

Di puwede yan.  Ako meron PUTANG-INA mo.

O sige, isa lang basta ha GAGO.

Basta ako wala, GAGO.

May turuan ng daliri ang kanilang salitaan.  May akmang mang-babraso.  Seryoso ang kanilang mga mukha.  Kinabahan ako.  Di na ako bumaba sa aking pagkakaluklok sa aking L3.

Biglang naghiwalay ang dalawang pangkat.  Yung lima ay tumambay sa kanilang hagdanan.  Yung sampu naman ay sa may exit na parking lot.  Ilang sandali pa ay nagsimula na ang giriian.  Parang sabong ng mga manok.

O-0-0-0-h-ayyy DUWAG.

Sinong duwag?  Yabang ng APOG mo.  GAGO.  Tingnan ko nga ang tapang ng PUTANG-INA mo.

Umaatras.  Umaaabante.  Gigiri.  Hihinto.  Tatakbo sa kanikanilang base.  Mananatili.  Aabante, gigiri.

AGAWAN BASE pala ang ginagawa nila.  Larong MORO-MORO na kapag nataya ka ay talo ang grupo mo.

Nakasingit ang isa mula sa grupo ng sampu.  Di namalayan ng grupo ng lima na nasa likod na pala ang isang kalaban.  Nakahawak ito sa hagdang base nila ng hindi natataya.

Sigawan.

KOTONG!  KOTONG!

Kantiyawan.

Ang yabang mo KOTONG ka ngayon.

Iniyuko ng batang naka-brown ang kanyang ulo at sunud-sunod na pumitik ang sampung kalaban niya sa kanyang ulo.  Mangiyak-ngiyak.

Yan lang iiyak ka na.  KOTONG lang yan ahh.

Nguni’t nagsalita ang pinakamaliit na bata sa grupo ng sampu.

OOOpppsss, di pala ako nangako ng kotong, sorrriiiii.

Iniyuko niya ang kanyang ulo para pitikin ng naka-brown.

O nakabawi ka na.  Patas na ang labanan.

Game ulit. Sabi ng isa.

Kukunin ko sana ang aking sudoku nguni’t naaninag ko na si Patricia.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: